12

Oct 1, 2020 @ 16:04
By

2,600 body cam ng pulis masusubukan na – PNP chief

Inaasahang darating na sa susunod na buwan ang 2,600 unit ng body-worn camera na gagamitin ng mga pulis partikular sa anti-drug operation ng Philippine National Police (PNP).

Sa budget hearing sa panukalang pondo ng Department of Interior and Local Government (DILG), inihayag ni PNP chief Camilo Cascolan na P287 milyon ang pondo sa pagbili ng naturang camera.

Ang pagsusuri sa mga body camera ay magsisimula sa Oktubre 12 at prayoridad na bibigyan ay ang mga miyembro ng anti-drug operation.

“Anti-drug operation will be prioritized but the functional testing will still be on October 12, 2020,” sabi ni Cascolan.

Unang lumutang ang pagbili ng body camera noong 2017 kasunod nang pagkamatay ni Kian Delos Santos na namatay sa kamay ng mga pulis matapos ang isang anti-drug operation sa Caloocan City.

Sabi ng mga pulis, pumalag si Delos Santos subalit nakita sa closed-circuit television na kinakaladkad siya ng mga pulis sa isang madilim na lugar.

Una nang planong bumili ng PNP ng 12,476 body cameras noong Hunyo 2018 matapos pondohan ito ng P334 milyon para mabili ang nasabing gadget.

Pinili ng PNP ang EVI Distribution ang siyang winning bidder sa body camera system.

Naantala ang delivery nito dahil sa travel restriction na ipinatupad sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?