95

Nov 28, 2017 @ 19:20

250K Tax Exemption Para sa Lahat

By Ralph Recto

Magandang ayuda ang maaaring asahan ng ating mga kababayan mula sa darating na taong 2018, kapag naipasa sa Senado ang isinusulong na batas para sa panibagong dagdag tax exemption.

Dahil ayon sa panukalang batas na ito, ang bawat manggagawa na kumikita ng mula P250,000 pababa kada taon ay awtomatikong tax-free o libreng buwis.

At ang maganda dito, magiging epektibo na agad ito simula pa lamang ng Enero ng darating na taon.

Sa orihinal na panukalang inilatag plenaryo, nakatakdang ipatupad ang batas na ito sa loob pa ng tatlong taon kung saan sa unang taon ang mga kumikita lamang ng P150,000 pababa ang makakapasok sa tax exemption.

Sa pangalawang taon o 2019 naman ay papasok sa tax exemption ang mga kumikita ng P200,000 pababa. Sa pangatlong taon o 2020 pa lamang papasok sa tax exemption ang mga kumikita naman ng P250,000 kada taon.

Ang problema sa ganitong sistema na paiba-iba ang buwis kada taon ay magiging kumplikado pa ang pagsingil ng income tax. Kaya nga tayo gumagawa ng panibagong batas o amendments ay para gawing magaan at simple ang ating tax code. Para kahit na sinong ordinaryong Juan Dela Cruz ay makaiintindi kung paano susunod sa batas.

Pero kung kada taon ay iba ng iba ang rates ng buwis, magiging kumplikado pa ito sa lahat.

Ang solusyon — isang buhos ng rumaragsang tax exemptions.

Mabuti na lang at pumayag ang ating mga kasamahan sa Senado na simplehan na lamang ang pagpapatupad ng batas ukol sa tax exemption at gawing awtomatiko ito sa lahat ng kumikita ng P250,000 simula nitong darating na Enero 18, 2018.

Noong Miyerkoles ng nakaraang linggo, pinagtibay sa Senado itong bagong batas na naglalayong magtakda ng mga patakaran sa pagbubuwis.

Sa ilalim nito, hindi lang ang mga manggagawa na kumikita ng P250,000 pababa ang papasok sa tax exemption kundi pati na rin ang mga kumikita ng mas mataas pa dito. Ang papatawan lamang ng kaukulang buwis ay ang sobra sa halagang P250,000.

Halimbawa kung ang sweldo ng isang manggagawa ay umaabot sa P400,000 kada taon, papatawan ng 20% na buwis ang sobra o lagpas lang na sweldo sa P250,000.

Iba pa itong P250,000 tax exemption sa umiiral ngayon na libreng buwis para sa mga nakakatanggap ng bonus sa kada taon ng hanggang P82,000.

Ang kagyat na epekto nito sa ekonomiya ay lalaki ang spending power or kakayahang gumasta ng mga pamilya ng manggagawa. At kapag bumabalik sa ekonomya ang perang na-exempt sa buwis, walang nalugi sa gobyerno.

Maraming perang panggastos, maraming gawaing pang-ekonomiya ang gagana o matutustusan.

Dapat lamang na ang buwis na nalilikom ay maayos na gamitin. Hindi winawaldas at higit sa lahat hindi binubulsa. At hindi rin dapat binuburo.

Nararapat din ang agarang pagbalik ng mga nalilikom na buwis sa pamamagitan ng tapat at maayos na serbisyo at magagandang proyekto na magdudulot ng pag lago ng ating ekonomiya, at sa pangkalahatan, ng ating bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?