287

By

2,500 kilos ng shabu, 53 kilos ng cocaine nakatambak sa PDEA, NBI

Sharing is caring!

Nangilabot ang mga senador sa natuklasan na sangkaterba pang shabu, cocaine, marijuana at iba pang ilegal na droga ang hindi pa ipinasusunog at nakaimbak pa sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) gayundin sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP).

Sa paghimay ng Senado sa panukalang budget ng PDEA para sa 2018, sinabi ni Senador Ping Lacson, vice chairman ng Senate committee on finance, na batay sa datos ng PDEA hanggang noong Oktubre, nakaimbak sa kanilang bodega ang mga sumusunod:

Shabu – 2,142 kg
Cocaine – 53 kg
Marijuana – 53 kg
Ephedrine – 62 kg
Pseudoephedrine – 210 kg
Ecstasy – 10.9 kg

Sa presyong P5 milyon kada kilo ng shabu, katumbas ang nabanggit na dami ng shabu sa PDEA ng P10 bilyon habang P360 milyon ang katumbas ng dami ng cocaine sa presyong P7,500 kada gramo.

Nasa NBI naman ang 549 kg at nasa pag-iingat ng PNP ang 94.6 kg.

Ang nasa NBI ay bahagi ng kontrobersyal na 604 kg ng shabu na nanggaling sa China at hinihinalang sadyang pinalusot sa Bureau of Customs.

Ayon kay Lacson, nasa batas na dapat agad na kustodiya ng PDEA ang mga kumpiskadong ilegal na droga at dapat din iyong agad na ipasunog.

Pero natatagalan umano ang pagkakaimbak dahil hinihintay pa ng PDEA ang ocular inspection at ang utos ng korte bago iyon sunugin.

Dahil dito, dalawang beses na umanong sumulat ang PDEA sa Supreme Court para utusan ang mga huwes na may hawak ng drug cases na ipasunog na ang mga kontrabando.

Hiningi naman ng mga senador sa PDEA ang kopya ng mga sulat sa Korte Suprema para iyon masuri at para matulungan na ring mangalampag sa mga mahistrado. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?