271
abante-tnt-vismin-isidro-lapena-customs
Jul 15, 2018 @ 17:32
By

25 containers, iligal na nailabas ng pantalan – Lapeña

Kinumpirma ni Customs Commissioner Isidro Lapeña na may mga kargamento na naman na iligal na nailusot palabas mula sa pantalan.

Ang pinakahuling insidente ay nangyari sa container yard ng Mindanao International Container Terminal Services Incorporated (MICTSI).

Ayon kay Lapeña, walo sa mga container ay iligal na nailabas mula sa MICTSI noong Hunyo 14, 15 at 17 sa kabila ng kanyang inisyung alert order laban sa nasabing mga shipment na hinihinalang naglalaman ng mga kuwestiyonableng kargamento.

Ilan umano sa mga container na isinailalim sa alert order at nailusot palabas ng MICTSI ay idineklara bilang cross-hatched panel pero naglalaman pala ng sibuyas, habang ang ilan naman sa mga container na idineklara bilang boiler casing ay nadiskubreng naglalaman ng sako ng asukal.

Labimpito naman sa mga container ay nailabas na mula Hunyo 20 hanggang Hunyo 28 bago pa nakapag-isyu si Lapeña ng alert order at bago pa magawan ng entry.

Kaugnay nito, iniutos na ni Lapeña ang imbestigasyon sa insidente.

“Immediately, I ordered for an investigation. The Customs intelligence and investigation service is up on its feet conducting deeper probe,” saad ni Lapeña.

Ayon sa BOC, ang iligal na pagpapalabas sa mga kargamento na may standing alert order ay paglabag sa Sections 1401 at 1424 ng Customs Modernization and Tariff Act o Republic Act No. 10863 na tumutukoy sa unlawful importation or exportation at removing goods from customs custody.

Noong Marso, 105 container ang iligal ding pinull-out mula sa container yard ng Asian Terminal Incorporated sa Port of Manila, at ilan sa mga kargamento, kalaunan ay natunton sa isang warehouse sa Bulacan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?