97

Oct 30, 2019 @ 15:34
By

230 pedicab operator, driver, bibigyan ng trabaho sa Mandaluyong

Aabot sa 230 pedicab operator at driver ang paglalaanan ng trabaho ng Mandaluyong City government bilang tulong pinansyal.

Ito ay matapos simulan ang pagtatanggal sa mga pedicab alinsunod sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na alisin ang mga nakahambalang sasakyan at istruktura sa lahat ng lansangan.

Una nang pinulong ni Mayor Menchie Abalos at dating Mayor Benhur Abalos ang mga pedicab operator at drayber na kung saan ay ipinasu-surrender ang kanilang mga pedicab kapalit ng P10,000 kada unit at isang sako ng bigas para sa puhunan ng kanilang uumpisahang negosyo.

Bilang panimula, ipinasok na rin ang mga operators at drivers sa Cash for Work Program sa loob ng 10 araw.

Sila din ay bibigyan ng pagkakataong makapagtrabaho sa city hall. Maaari silang ipasok bilang tauhan ng Engineering Department, bilang traffic enforcer, at streetsweeper depende sa kanilang kakayahan.

Para naman sa mga may edad 60 pataas, papayagan ang kanilang anak bilang kapalit nila sa employment program na ito.

“Basta’t lehitimong pedicab operator o drayber ay bibigyan natin ng trabaho. Kailangan lang na sumailalim sila sa drug test at pumasa dito,” ayon kay Mayor Menchie.

Dagdag pa niya na kaya aalisin ang mga pedicab sa Mandaluyong ay dahil walang ibinibigay na prangkisa ang pamahalaang lungsod sa pag-operate nito at sinusunod lang nito ang direktiba ng DILG sa patuloy na paglinis sa lansangan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?