29
sunog
By

23 pamilya nawalan ng bahay sa 2 sunog sa QC

Sharing is caring!

May 23 pamilya ang nawalan ng tirahan at tinatayang nasa P2 milyong halaga ng ari-arian ang naabo sa dalawang magkahiwalay na sunog na naganap sa Quezon City, kamakalawa ng gabi at kahapon ng madaling-araw.

Ayon kay Fire Insp. Rosendo Cabillan, ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Quezon City, ang unang sunog ay naganap sa E. Rodriguez Sr. Avenue sa Barangay Doña Josefa dakong alas-siyete ng gabi.

Gawa sa light materials at may katandaan na ang gusali kaya’t mabilis kumalat ang apoy sa mga katabing tahanan na nadikubreng sala-salabat ang linya ng kuryente.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na idineklarang fire-out ng alas-8:20 ng gabi.

Ang ikalawang sunog ay naganap naman sa Purok 7, Bgry. Dona Josefa, Quezon City na nagsimula pasado alas-12:00 ng madaling-araw.

Sa lakas ng apoy, walang nagawa ang mga residente kundi panoorin na lamang na lamunin ng apoy at makapal na usok ang kanilang mga bahay.

Sa pahayag ni Bong Marciani, ssa sa mga nasunugan ng bahay, nututulog na umano silang mag-anak nang makarinig na may sumisigaw na “sunog.”

Sinubukan pa umano niyang maglabas ng kaunting gamit pero binalot na ng usok ang kanilang paligid kaya wala na silang naisalbang ari-arian.

Maging si Remie Montero ay nagsabing wala rin silang nailabas na gamit dahil mabilis ang pagkalat ng apoy.

Nabatid na nahirapan ang mga bumbero na patayin ang apoy dahil sa masikip na kalsada at malapit sa creek ang kinaganapan ng sunog.

Nasa 13 pamilya ang nawalan ng tahanan sa ikalawang sunog at idineklarang fire-out dakong alas-1:30 ng madaling-araw.

Wala namang naitalang nasugatan o kaya’y nasawi sa dalawang magkahiwalay na sunog.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?