49
maynila-food-poisoning

22 katao nalason sa kinaing inihaw sa Maynila

Sharing is caring!

Nabiktima umano ng food poisoning dahil sa kinaing inihaw ang may 22 katao sa Jose Abad Santos Ave., Maynila.

Ayon kay Supt. Roland Gonzales ng Manila Police District (MPD) Station 7, nakaramdam ng pagkahilo, pagsakit ng tiyan at pagsusuka ang mga biktima nang makakain ng inihaw sa nasabing lugar.

Kabilang sa mga naiulat na kinain ng mga biktima, na ang pinakabata ay 2-anyos, ay inihaw na bituka ng manok, betamax at tenga ng baboy sa kainang pag-aari ng isang Divina Caballero, ayon sa ulat ng DZMM.

Ayon sa ilang biktima, posibleng ang sawsawang suka umano ang dahilan ng kanilang pagkalason dahil sa kakaibang lasa nito.

Iginiit naman ni Divina na malinis at maingat niyang inihahanda ang kanyang mga paninda.

Kinalungkot din niya ang nangyari sa mga biktima na ilan ay mga kamag-anak niya.

Nagpadala na ng sample ng paninda nito sa Food and Drug Administration upang malaman kung anong kemikal ang nakalason sa mga biktima.

Nakalabas naman na ng Ospital ng Tondo ang mga biktima matapos magamot.

Kasalukuyan namang nasa kostudiya ng MPD Station 7 ang tindera para sa imbestigasyon ngunit sa ngayon ay wala pa namang naghahain ng kaso laban dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?