69

Mar 4, 2020 @ 18:43
By

22 kabahayan naabo, 23 pamilya nawalan ng tahanan

Nasa 22 kabahayan ang natupok habang 23 pamilya ang nawalan ng tirahan sa naganap na malaking sunog sa Barangay Pantalang sa Orani, Bataan kagabi.

Iisa ang sinasabi ng mga nasunugan: intensyonal diumano ang naganap na sunog, na nagmula sa bahay ng isang mag-asawa na higit isang linggo na umanong nag-aaway.

Ang nasabing mag-asawa ay walang gamit na kuryente at tanging kandila lamang ang kanilang gamit sa bahay.

Hindi na umano nakita pa ang mga ito mula nang sumiklab ang apoy at maapula ito, mag-aalas-dos kaninang madaling araw, Marso 4, 2020, dahil na rin sa pagkakaisa ng magkakapit-bahay.

Kanya-kanya silang salok ng tubig at buhos sa lumalakas na apoy kaya napigilang masunog ang iba pang kadikit na bahay sa lugar.

Tumulong din sa pag-apula ng apoy ang mga bumbero mula sa mga bayan ng Abucay, Samal, Dinalupihan Orani, at Fire and Rescue team ng Subic Bay Metropilitan Authority.

Wala namang napaulat na nasawi at nasaktan sa nasabing insidente, habang inaalam pa ang halaga ng naabong mga kagamitan.

Ayon naman kay Billy R. Ventura, Chief of Staff ni Orani Bataan Mayor Efren Bondjong Pascual, inihahanda na nila ang tulong-pinansiyal at mga grocery para sa mga apektadong pamilya at isinasaayos na ang karagdagang 10,000 halaga para sa bawat pamilya.

Inaayos na rin umano ang pagpapatayo ng mga bahay ng mga biktima, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng Orani.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?