118

Jun 13, 2021 @ 15:26
By

21k matatanggal sa trabaho sa taas-buwis sa eskwelahan

Aabot umano sa 21,661 empleyado ang maaaring matanggal sa mga pribadong paaralan dahil sa mas mataas na buwis na sisingilin sa kanila ng gobyerno.

Ayon kay House Committee on Ways and Means chairperson at Albay Rep. Joey Salceda, umaabot sa 378,637 ang bilang ng mga empleyado sa pampribadong eskwelahan.

“The income tax increase, if made effective, represent about 5.72% of compensation income, which could force the already dwindled private education labor force to shed another 21,661 jobs due to the tax rate adjustment alone,” sabi ni Salceda.

Mula sa 10% ay itinaas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa 25% ang corporate income tax ng mga pribadong paaralan alinsunod sa desisyong inilabas ng Korte Suprema.

Sinabi ni Salceda na sa halip na itaas dapat ay payagan ang mga pribadong eskwelahan na mag-avail ng 1% tax rate hanggang sa Hunyo 2023 bilang tulong ngayong may pandemya.

Ang 1% tax rate ay nasa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.

“Applying the CREATE rate until 2023 would allow these schools to save an equivalent of 3.43% of compensation expenses, which could help them rehire at least 12,996 teachers at the start of the next school year,” dagdag pa ni Salceda.

Naghain si Salceda ng panukala upang maibalik sa 10% ang buwis na ipinapataw sa mga pribadong paaralan at payagan na mag-avail ang mga ito ng 1% tax rate.

Sa Lunes, Hunyo 14, magsasagawa ng pagdinig ang komite ni Salceda kaugnay ng kanyang panukala.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?