84

Feb 10, 2020 @ 19:22
By

216K baboy sa Mindanao, pinatay sa ASF outbreak

Nasa 216,000 na ang pinatay na mga baboy dahil sa African Swine Fever simula nang umabot ito sa Mindanao, sabi ni Agriculture Secretary William Dar.

Ayon sa Department of Agriculture, 1.7-percent lamang ito ng mga baboy sa bansa.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, nasa 12.8 milyon ang national swine population pagpasok ng Enero 1, 2020. Ang bilang kwenta naman ng DA, base sa pinakabagong report nito, ay 12.7 milyon ang national swine population o ang bilang ng mga baboy sa bansa.

Sabi ni Dar, 13-percent lamang ng mga pinatay o 28,080 ang nagkasakit ng ASF.

Kinailangang patayin ang iba pa ayon sa 1-7-10 protocol ng DA. Madaling makahawa ang ASF at 100% ang tinatawag na mortality rate nito. Ibig sabihin, tiyak na mamamatay ang mga baboy na mahahawa.

Sa 1-7-10 protocol, papatayin ang lahat ng mga baboy na nasa loob ng isang kilometro ang layo sa pinangyarihan ng outbreak.

Ayon kay Dar, swill feeding ang dahilan ng outbreak ngunit hindi pa natutukoy ng DA ang tunay na pinagmulan nito. Maari din kasing nanggaling ito sa smuggled pork products o mga tiratirang pagkain sa mga daungan.

Sa Mindanao, unang iniulat ang ASF outbreak sa Don Marcelino at Malita sa Davao Occidental sa World Animal Health Organization o OIE noong January 29, 2020. Sinabi naman ng DA na January 27, 2020 nagkamatayan ang mga baboy sa Calinan district sa Davao City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?