106

21-anyos, patay sa pagkalason sa alak

Sharing is caring!

Patay ang isang 21-anyos na lalaki matapos umanong malason sa alak sa Sampaloc, Manila.

Ayon sa DZMM, Nobyembre 21 pa umano nangyari ang insidente ngunit ngayon lamang ini-report sa pulisya.

Nasawi pagkaraan ng dalawang araw sa ospital si Jonathan Ravela, habang tatlo pa sa kanyang mga kasamahan ang nasa ospital at ang iba naman ay nakaranas ng pananakit ng katawan, pagkahilo at panlalabo ng mata.

Sa panayam umano sa isa sa naospital na si Joenald Alfaro, iniregalo lamang ng lalaking kaibigan ng kanyang misis ang alak na nakalagay sa galon ng tubig ng baterya ng sasakyan dahil kaarawan umano ng kanilang anak.

Una ay wala umano silang naramdaman ngunit kinabukasan ay kakaiba na ang kanilang pakiramdam.

Ayon umano kay PO1 Danilo Cabigting, imbestigador ng Manila Police District (MPD) PS4, batay sa pagsusuri ng mga doktor sa ospital sa mga biktima, methanol poisoning ang nangyari, ang methanol ay kemikal na ginagamit din sa pag-eembalsamo .

Hindi na umano mahagilap ang lalaking hindi muna pinangalanan na nagbigay ng alak kung saan sinabi ni Joenald na sana’y makonsensiya ito at magpakita upang mabigyan ng hustisya ang kanyang pinsan na namatay.

Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng MPD ang pagkalason umano ng ilang residente sa Sampaloc mula sa ininom na alak.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?