Hindi muna ipatutupad sa Oktubre 5 ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Valenzuela City, ayon kay Mayor Wes Gatchalian nitong Sabado.
Noong Setyembre 30, inanunsyo ng anim na lungsod sa Metro Manila, kabilang ang Quezon City, Manila, Muntinlupa, Parañaque, San Juan at Valenzuela City, na ipatutupad na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang NCAP.
“Nauunawaan natin ang layunin ng NCAP. Pero sa sitwasyon natin ngayon sa Valenzuela, hindi pa ito ang tamang panahon para ipatupad ito,” ani Gatchalian sa isang Facebook post.
Ayon kay Gatchalian, sunod-sunod ang road construction sa mga pangunahing kalsada at araw-araw nagbabago ang daloy ng trapiko sa lungsod.
Dahil dito, nagpasiya aniya ang pamahalaang lungsod na pansamantalang suspindehin ang implementasyon ng NCAP sa Valenzuela hanggang sa susunod na abiso.
“Ayaw nating dagdagan ang pasanin ng ating mga motorista sa panahong hindi pa normal ang kondisyon ng ating mga kalsada. Unahin muna natin ang maayos at ligtas na daloy ng trapiko para sa ating mga Valenzuelano,” dagdag niya. (AC)


