WebClick Tracer

Speaker Dy hinikayat barangay officials na gamitin dagdag 2 taon sa termino para mapabuti komunidad

Hinikayat ni House Speaker Faustino Dy III ang mga opisyal ng barangay na gamitin ang karagdagang dalawang taon sa kanilang termino upang pagbutihin ang pamamahala, protektahan ang kanilang mga komunidad at tugunan ang pang-araw-araw na problema ng kanilang mga nasasakupan.

Sa ikalimang konsultasyon ng LegisHear sa Victorias City, Negros Occidental, noong Biyernes, binanggit ni Dy ang batas na nagtatakda ng limang taong fixed term para sa mga opisyal ng barangay at naglilipat sa susunod na halalan sa barangay sa Nobyembre 2028.

“Okay na po ang inyong fixed term na ipaliban ng 2028 na ng November ang inyong eleksyon. Sapagkat napakarami na dapat pa nating harapin para lalo po ninyong mapangalagaan ang ating barangay, lalo-lalo na para maging safe ang ating barangay,” sabi ni Dy.

Sinabi ni Dy na may mahalagang papel ang mga opisyal ng barangay sa LegisHear dahil sa kanilang pagiging malapit sa mga komunidad, na nagbibigay sa kanila ng firsthand na kaalaman sa mga problemang dapat tugunan ng pambansang batas.

“Gusto naming ilapit po sa inyo ang Kongreso para malaman po namin kung ano ang mga tunay na dapat natin mapag-usapan para lalo pa po natin mapaganda ang lahat ng mga isinusulong na panukalang batas sa 20th Congress,” dagdag pa nito.

Sinabi ng lider ng Kamara na nagbibigay ang LegisHear ng pagkakataon upang direktang maihatid sa mga mambabatas ang mga problema at pangangailangan ng mga komunidad.

“Kailangan po natin magtulungan,” sabi ni Dy. “Tungkulin natin lahat ito na maging ligtas ang ating mga kabataan, nandun sa inyong loob, ng inyong tahanan, at gano’n din paglabas at nandun sa kanilang silid-paaralan.”

Hinikayat ni Dy ang mga opisyal ng barangay at iba pang kalahok sa LegisHear na gamitin ang konsultasyon upang tukuyin ang mga kakulangan sa umiiral na mga polisiya at magmungkahi ng mga praktikal na solusyon batay sa kanilang mga nararanasan sa kani-kanilang komunidad.

Nagsimula ang LegisHear sa Isabela bago tumuloy sa Butuan, Dumaguete, South Cotabato, at Negros Occidental. (Billy Begas)