WebClick Tracer

Rep. Yamsuan itinulak dagdag pondo para matulungan maliliit na negosyo

Itinulak ni Parañaque Rep. Brian Yamsuan ang mas mataas na pondo sa susunod na taon para sa mga programa ng gobyerno na naglalayong pasiglahin ang entrepreneurship at suportahan ang pagpapaunlad ng micro and small enterprises (MSEs).

“Increasing the allocations for these programs would benefit more Filipinos and boost entrepreneurship as an engine of our country’s economic growth,” sabi ni Yamsuan.

Sa isinagawang pagpupulong ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc), ipinahayag ni Yamsuan ang kanyang suporta sa panukalang P870.5 milyong dagdag para sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at ang karagdagang P50 milyon para sa Small Business Corporation (SBCorp), na nagpapatupad ng Pondo sa Pagbabago at Pag-Asenso Program (P3).

Naghain din si Yamsuan ng mga panukalang batas na naglalayong gawing permanenteng programa ng gobyerno ang SLP at P3.

“We should institutionalize the SLP so that later on, our kababayans would always have access to this kind of opportunity to improve their lives,” sabi ni Yamsuan sa pagpupulong ng BARSc noong Oktubre 1.

Ayon kay Yamsuan, ang SLP ay isang kapuri-puring programa na nakatulong sa maraming nais na maging entrepreneur sa kanyang distrito.

Sa ilalim ng SLP, binibigyan ng seed capital at pagsasanay ang mga kwalipikadong benepisyaryo upang makapagtayo sila ng maliliit na negosyo sa ilalim ng Enterprise Development Track nito. Mayroon din itong Employment Facilitation Track, na nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga naghahanap ng trabaho o kumukuha ng technical at vocational skills.

Ipinahayag din ng mambabatas ang suporta sa pagtaas ng badyet ng SBCorp, ang financing arm ng Department of Trade and Industry (DTI), na nagbibigay sa MSEs ng access sa mga pautang na walang collateral at may mababang interes upang mapalawak ang kanilang mga negosyo.

“I have seen how SBCorp functions and I have seen how many small businesses in my district have been helped by SBCorp,” sabi ni Yamsuan.

Naghain din si Yamsuan ng panukalang Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso Act (House Bill 9472), na naglalayong gawing permanente ang P3.

Kasama sa panukala ang paglikha ng P3 Fund, na ipapautang sa mga kwalipikadong MSEs nang walang collateral at may interest rate na hindi lalampas sa 1% kada buwan para sa direct lending, at hindi lalampas sa 2.5% para sa lending sa pamamagitan ng accredited partner financial institutions (PFIs). Mapupunta sa Fund ang mga kikitain mula sa interes.

Sinabi ni Yamsuan na ang pagsasabatas ng SLP at P3 ay magsisilbing proteksiyon sa mga programa laban sa taunang pagbabago sa badyet at pabagu-bagong prayoridad ng alinmang administrasyon.

“Our proposed measures will ensure the continuity of these programs and secure their regular funding through the national budget,” dagdag pa ng solon. (Billy Begas)