WebClick Tracer

PNP pinaigting ugnayan sa ride-hailing firms para sa seguridad ng riders, pasahero

Mga tauhan ng PNP at motor ng mga delivery rider habang pinaigting ang seguridad at ugnayan sa mga ride-hailing firm.

Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang pakikipag-ugnayan sa mga ride-hailing at delivery service providers para mapalakas ang seguridad ng mga rider at kanilang mga pasahero.

Ayon sa PNP, layunin nitong maiwasan ang paggamit ng pagkakakilanlan o uniporme ng mga lehitimong rider ng mga kriminal upang makalapit sa kanilang mga biktima.

Kasunod ito ng isang insidente ng pamamaril sa Makati City kung saan iniulat na lumapit ang mga suspek na sakay ng motorsiklo sa isang condominium manager. Isa sa mga ito ang nakitang nakasuot ng unipormeng ginagamit ng isang motorcycle ride-hailing service.

Dahil dito, binalaan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang publiko laban sa posibleng pagpapanggap bilang lehitimong rider at hinikayat ang mga kompanya na palakasin ang kanilang verification measures.

Sinabi ng PNP na pinalawak nito sa buong bansa ang mga precautionary measures upang agad matukoy at maaksyunan ang mga katulad na insidente.

Hinimok naman ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang publiko at mga rider na maging mapagmatyag at agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad.

“Our legitimate riders are partners in keeping communities safe. We ask the public and the riders themselves to stay alert and report anything unusual through proper channels. Kapag may kahina-hinala, mas mabuting i-report agad para ma-check at maaksyunan nang maaga,” ani Nartatez.

Pinaalalahanan din ng PNP ang mga rider at publiko na i-verify sa tamang channels ang kahina-hinalang bookings o delivery instructions at agad humingi ng tulong sa pulisya kung kinakailangan.

Ayon sa PNP, makatutulong din ang CCTV footage, mga mensahe at iba pang ebidensya sa beripikasyon at imbestigasyon ng mga naiulat na insidente. (AC)