WebClick Tracer

Pera mula sa China na pumasok sa kompanya, foundation ni VP Sara kinonek sa destab

Iniugnay ni House prosecution panel adviser at spokesperson Ace Barbers ang halos kalahating bilyong pera mula China na dumaloy sa mga entity na konektado kay Vice President Sara Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio, sa mga destabilization plot laban sa administrasyong Marcos.

Ginawa ni Barbers ang pahayag kasunod ng ibinunyag ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na may pumasok umanong P319 milyon mula sa China sa account ng Cale88 Foods Corp., isang kumpanyang konektado sa mag-asawang Duterte-Carpio, at P150 milyong pumasok sa Tapang at Malasakit Foundation, na konektado rin sa Bise Presidente.

“I find ex-Senator Trillanes’ revelations of China-sourced cash flows into local entities linked to Vice President Sara Duterte and her spouse, Manases Carpio, disturbing,” sabi ni Barbers, dating kinatawan ng Surigao del Norte.

“This sounds like foreign-funded destabilization, if you put two and two together,” dagdag pa nito.

Iginiit ni Barbers ang pangangailangang malaman “What is this money for?”

“Pambayad ba ito sa pananahimik sa isyu sa West Philippine Sea (WPS), kung saan nakagawian nang i-agrabyado ng Chinese Coast Guard (CCG) ang mga Pilipinong mangingisda sa sariling teritoryo natin?” sabi ng dating solon.

“O kapalit ba ito ng pabor para siraan ang ating gobyerno mismo sa mga kapwa Pilipino mula sa executive, legislature, judiciary, pati ang ating law enforcement authorities? To quote Vice President Duterte, ‘Wala akong tiwala sa korte, wala akong tiwala sa pulis’,” dagdag pa nito.

Pinuna rin ni Barbers ang mga Pilipinong sumusuporta sa mga naratibo ng China kaugnay ng West Philippine Sea.

“If it is proven that China is taking advantage of our political situation to further their geopolitical and expansionist goals, shame on them. Pero lubos na mas nakakahiya ang mga Pilipinong nagpapagamit para sa pera ng dayuhan,” dagdag pa nito.

Nagpahayag din ng katulad na pangamba si Akbayan Party President Rafaela David.

“We are hearing allegations of hundreds of millions flowing from China into the networks of powerful politicians. Habang hinaharas ang ating mga mangingisda at frontliners sa [WPS], tila may kumikita sa kanilang pananahimik,” sabi ni David.

“If proven, these allegations raise serious questions about corruption, accountability, national security, and our sovereignty,” dagdag pa nito.

Naniniwala si David na dapat talakayin sa Senate impeachment court ang mga alegasyon ni Trillanes.

“Saan nanggaling ang pera? Kanino napunta? At may kapalit ba? (Where did the money come from? Who received it? And was there something in return?) These are questions that cannot simply be brushed aside,” diin pa nito. (Billy Begas)