Maaaring makatulong ang pagpapakita ng patuloy na pagluluksa sa social media pero maaari rin itong magkaroon ng epekto sa pamilya ng isang taong pumanaw tulad ng basketbolistang si Rene Baterbonia, ayon kay registered psychologist Dr. Gary Dy.
Sa programang “Sports Ambush” ng Abante, na simulcast sa Bilyonaryo News Channel at Mellow 947, ipinaliwanag ni Dr. Dy na dahil sa social media ay nabuo ang tinatawag na “collective mourning”, kung saan maging ang mga taong hindi personal na nakakakilala sa namatay ay nakikiisa sa pagdadalamhati.
Ayon sa psychologist, nagkakaroon din ng tinatawag na parasocial bonding, kung saan nagkakaroon ng emosyonal na koneksiyon ang mga tao sa isang personalidad kahit hindi nila ito personal na kakilala dahil madalas nila itong nakikita sa social media.
Gayunman, sinabi ni Dr. Dy na maaaring maging mabigat ito para sa immediate family dahil patuloy na naaalala at napag-uusapan ang kanilang mahal sa buhay.
Dagdag niya, maaaring mas mahirapan ang pamilya na maka-move on kapag patuloy na may mga tribute, kanta, event at iba pang aktibidad na nakatuon kay Baterbonia.
“Mahirapan maka-move on kasi imbes na pumapasok na sa system na makakalimutan na nila, people keeps on talking about Rene, and the family would always go back, babalik-balikan hangga’t hindi nila nahahanap ‘yung hinahanap nilang hustisya,” paliwanag ni Dr. Dy.
“Siyempre, kahit papaano kumukurot pa rin doon sa mga immediate family ni Rene,” dagdag niya.
Panoorin ang buong panayam sa October 4 episode ng “Sports Ambush” ng Abante na simulcast sa Bilyonaryo News Channel at Mellow 947. (IS)


