Inaasahang magkakaroon ng dagdag na trabaho para sa mga Pilipino ang expansion sa operasyon ng isang Japanese company sa bansa, partikular sa paggawa ng hard disk drive.
Nakipagkita kay Executive Secretary Ralph Recto sa Malacañang ang Senior Executive Vice President ng Toshiba Corporation na si Koji Ikeya at ipinaabot ang kanilang interes na mag-expand ng kanilang operasyon sa Pilipinas.
Ikinagalak ni Recto ang plano ng kumpanya na aniya ay indikasyon ng kanilang malakas na kumpiyansa sa Pilipinas at magbibigay ng dagdag na trabaho sa tinatayang 3,000 mangagagwang Pilipino.
Tiniyak ni Recto kay Ikeya ang suporta ng gobyerno sa kanilang kumpanya pati na sa iba pang malalaking investors na magtatayo ng mga bagong pabrika, mga bagong pamumuhunan at bagong trabaho.
Sinabi ni Recto na bahagi ng adhikain ng Marcos administration na maitatag ang Pilipinas bilang sentro ng investment hub sa Asya, partikular na sa larangan ng modernong manufacturing, artificial intelligence at iba lang industriya sa hinaharap.
Isa aniya sa magandang lugar ang Luzon Economic Corridor bilang pangunahing platform para sa manufacturing at pamumuhunan sa teknolohiya. (Aileen Taliping)


