Naglaan ang gobyerno ng P3.44 bilyon para sa P10,000 cash gift ng mga kwalipikadong octogenarian at nonagenarian, at P100,000 cash gift ng mga centenarian sa ilalim ng panukalang pambansang badyet para sa 2027.
Ayon kay House Minority Leader at 4Ps party-list Rep. Marcelino Libanan, ang inilaan na budget para sa susunod na taon ay mas mataas ng P140 milyon kumpara sa P3.3 bilyong nasa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.
“We in Congress are absolutely determined to provide the necessary funding to sustain the payment of cash gifts due to every qualified elderly Filipino, as mandated by the Expanded Centenarians Act,” sabi ni Libanan.
“We encourage all households to register their elderly members online with the NCSC through the Elderly Database Management System so they can readily avail themselves of the cash gifts,” dagdag pa ng mambabatas, na tinutukoy ang National Commission of Senior Citizens (NCSC).
Inilabas ni Libanan ang pahayag habang ipinagdiriwang ng bansa ang National Respect for Centenarians Day.
Itinakda ng Centenarians Act of 2016 (Republic Act 10868) ang unang Linggo ng Oktubre bilang National Respect for Centenarians Day bilang bahagi ng Elderly Filipino Week, na ipinagdiriwang mula Oktubre 1 hanggang 7.
Kamakailan ay sinimulan ng NCSC ang malawakang pisikal na pamamahagi ng P10,000 cash gift sa mga kwalipikadong Pilipino na umabot na sa edad na 80, 85, 90, at 95, gayundin ang P100,000 cash gift para sa mga centenarian sa ilalim ng Expanded Centenarians Act of 2024 (Republic Act 11982).
Nauna nang inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang NCSC na agad tugunan ang mga pagkaantala sa pagpapalabas ng cash gifts. Nakikipagtulungan ngayon ang NCSC sa mga local government unit upang mapabilis ang pamamahagi ng cash benefits sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Ayon sa NCSC, hanggang Agosto 26 ay nakapagbayad na ito ng mahigit P1.9 bilyon sa 179,529 octogenarian, nonagenarian, at centenarian.
Saklaw ng mga payout ang 95,464 benepisyaryong edad 80; 54,464 edad 85; 22,682 edad 90; 6,052 edad 95; at 1,240 centenarian. (Billy Begas)


