Upang masiguro na maprotektahan ang mga inabandonang senior citizen, naghain ng panukalang batas si Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas para magtayo ng nursing homes ang lahat ng local government unit.
“Habang ipinagdiriwang natin ang pamilya, huwag nating kalimutan ang ating mga lolo’t lola na walang matuluyan o naiwan dahil sa matinding hirap. Kapag hindi na kaya ng pamilya, ang pamahalaan ang dapat nilang maaasahan,” ani Vargas.
Sa House Bill (HB) 2273 o “Homes for Abandoned Seniors Act”, nais ng mambabatas na bawat LGUs ay magtayo ng nursing homes na kukupkop sa mga homeless at mga inabandonang senior citizens sa kanilang nasasakupang probisyan, bayan at siyudad.
Nais ng mambabatas na maglaan ng pondo ang bawal LGUs para sa itatayong nursing homes at matapos ito ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang mamahala sa pag-aalaga sa mga matatanda.
Ipinaliwanag ni Vargas na bagama’t inaalagaan ng gobyerno ang mga matatanda tulad ng pagbibigay ng buwanang social pension ay marami pa rin sa mga ito ang hindi pa nabibigyan ng nasabing tulong.
Maliban dito, marami umanong matatanda ang wala ng kasama sa kanilang bahay dahil iniwan na ito sa kanilang mga mahal sa buhay habang ang iba ay pagala-gala ay natutulog na lamang sa lansangan.
“Hindi sapat ang buwanang ayuda kung wala namang ligtas na tirahan ang ating mga senior citizens kapag sila ay napabayaan. Dapat mayroong permanenteng pasilidad sa bawat LGU kung saan sila aalagaan at itatrato nang may dignidad,” ani Vargas.
Ayon sa mambabatas, dapat aniyang suklian ang matatanda sa kanilang naging kontribusyon sa lipunan noong kalakasan pa ng mga ito.
“Ang pag-unlad ng ating bansa ay itinayo sa sakripisyo ng ating mga senior citizens. Pagkatapos nilang ialay ang kanilang lakas para sa pamilya at bayan, karapat-dapat lamang na suklian natin ito ng kalinga sa kanilang huling mga taon,” ayon pa sa kongresista. (Bernard Taguinod)


