WebClick Tracer

Mga guro nagprotesta sa Malacañang; P50K sahod, P5K PERA, dagdag budget sa edukasyon iginiit

Nagpaabot ng kanilang mga hinaing sa Malacañang ang mga guro, education worker at education student isang araw bago ang pagdiriwang ng World Teachers’ Day.

Sa isinagawang lightning protest ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines, iginiit ng grupo ang pagtaas ng entry-level salary ng mga guro sa P50,000; pagtaas ng Personnel Economic Relief Allowance (PERA) sa P5,000 at paglalaan ng 6% ng gross domestic product (GDP) para sa edukasyon.

Ayon sa ACT, kailangan ang dagdag na pondo upang matugunan ang kakulangan sa mga pasilidad at kagamitan sa mga paaralan, lumalalang kondisyon ng mga guro at estudyante, at ang krisis sa pagkatuto.

Nanawagan din ang grupo ng pananagutan sa administrasyong Marcos Jr. kaugnay ng mga alegasyon ng katiwalian sa pamahalaan. Giit nila, hindi dapat kapusin sa pondo ang edukasyon at iba pang pangunahing serbisyong panlipunan.

“Matagal nang ipinagkikibit-balikat at dinadaan lang sa mga matatamis na papuri at pangako ng administrasyong Marcos Jr. ang tugon sa ating kagyat at makatwirang mga kahingian para sa disenteng sweldo, dagdag benepisyo, at sapat na pondo sa edukasyon,” ani ACT Secretary-General Raymond Basilio.

Hamon ng grupo sa Pangulo na patunayan ang pagkilala nito sa mga guro hindi lamang sa pamamagitan ng mga talumpati at pahayag kundi sa agarang pag-angat ng kanilang kalagayan.

Iginiit din ni Basilio na may sapat na pondo ang gobyerno para tugunan ang mga kahilingan ng mga guro kung maayos lamang umano itong gagamitin para sa sahod, benepisyo at serbisyong panlipunan.

Samantala, sinabi ng ACT na libo-libong guro at education workers, kasama ang iba pang kawani ng gobyerno at iba’t ibang sektor, ang magsasagawa ng malawakang pagkilos patungong Mendiola sa Oktubre 5, kasabay ng World Teachers’ Day. (IS)