WebClick Tracer

Maliit na agila nasagip sa hardin sa Baguio

Isang maliit na agila ang nasagip matapos maligaw sa hardin ng isang bahay sa Purok Bubon, Loakan Proper, Baguio City.

Ayon sa Baguio City Public Information Office, dakong alas-10 ng umaga nitong Sabado nang matagpuan ang agila sa hardin ng isang bahay na inuupahan ng isang pamilya.

Matapos makilalang protected endemic wildlife species ang agila, agad silang tumawag sa Baguio 911 at nakipag-ugnayan sa Baguio City Police Station 4.

Agad na nagtungo ang mga pulis sa bahay at kinuha ang ibon para maayos na mai-turn over sa mga kinauukulang awtoridad para sa assessment, pangangalaga at rehabilitasyon.

Pinuri naman ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang pamilya, Baguio 911 at Baguio police sa mabilis at maingat na pagkilos para matiyak ang kaligtasan ng nasagip na wildlife.

Pinaalalahanan ang publiko na iwasang hawakan, alagaan o ikulong ang mga wildlife. Dapat agad i-report sa kinauukulang awtoridad ang mga nakikitang sugatan, naligaw o na-stranded na wildlife upang mabigyan ng tamang pangangalaga. (AC)