WebClick Tracer

Malacañang malamig sa pag-alis sa Article 3 ng impeachment complaint vs VP Sara

Ipinauubaya ng Malacañang sa prosecution team ang pagpapasya na alisin ang Article 3 o ang akusasyong bribery sa kinakaharap na impeachment ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, kung ito ang nakikitang tamang istratehiya sa paghahain ng testigo ay nasa prosekusyon na ito.

Pero sinabi ni Castro na isinama ang bribery sa Articles of Impeachment na ang ibig sabihin ay may sapat na ebidensiya ang prosekusyon para talakayin ito sa impeachment court.

Sinabi ni Castro na kung aatras ang prosekusyon sa akusasyong bribery laban sa Bise Presidente ay para na ring nadedehado ang mga Pilipino sa nais malaman ang buong katotohanan sa bintang sa Bise Presidente.

Magkagayonman, sinabi ni Castro na nasa prosecution pa rin ang pagpapasya dahil hindi nakikialam ang ehekutibo sa impeachment proceedings. (Aileen Taliping)