WebClick Tracer

LTFRB binawi authority to operate, renewal applications ng 2 transport companies

Binawi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang authority to operate at renewal applications ng dalawang Transport Network Companies (TNCs).

Ayon sa LTFRB, ginawa ang hakbang matapos mapag-alamang nabigo ang Leggo Information Technology Solutions at Aztech Solutions International Corp. na sundin ang mga kondisyong itinakda para makapagbigay ng platform sa Transport Network Vehicle Service (TNVS).

Nagsimula umano ang imbestigasyon matapos makatanggap ng ulat hinggil sa umano’y pagtigil ng operasyon ng dalawang TNC.

Hindi rin umano nakapagbigay ang mga kumpanya ng sapat na dahilan kaugnay ng mga administrative issue na ibinato sa kanila, dahilan upang kanselahin at bawiin ang kanilang Certificate of Accreditation.

Binawi rin ng LTFRB ang kanilang mga aplikasyon para sa renewal matapos mabigong makasunod sa mga regulasyon ng ahensya.

Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg Pua Jr., may kaakibat na responsibilidad ang Certificate of Accreditation, lalo na sa pagbibigay ng maayos na serbisyo sa mga commuter.

Binigyang-diin ni Pua na hindi mag-aatubili ang LTFRB na magsuspinde o bumawi ng authority to operate sa mga kumpanyang mapapatunayang lumalabag sa mga kondisyon ng kanilang operasyon, partikular kung nalalagay sa alanganin ang ligtas, maaasahan at komportableng biyahe ng publiko.

Hinimok naman ng LTFRB ang mga TNC at operator na mahigpit na sumunod sa mga umiiral na regulasyon upang maiwasan ang kaukulang parusa at legal na problema. (AC)