Naghain si Senior Deputy Majority Floor Leader JV Ejercito ng isang panukala na naglalayong doblehin ang kasalukuyang buwanang social pension para sa mahihirap na senior citizen mula P1,000 patungong P2,000, para mabigyan sila ng higit na pinansyal na ginhawa sa harap ng patuloy na pagtaas ng mga gastusin at bilihin.
Sa Senate Bill No. 2522 ni Ejercito, nais niyang amiyendahan ang Republic Act No. 11916, na nagtakda sa buwanang social pension sa P1,000, upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain, maintenance medicines, serbisyong pangkalusugan, at iba pang bayarin.
“Ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng pagkain, gamot, mga utility, transportasyon, at pangangalagang pangkalusugan, hindi na sapat ang P1,000 kada buwan upang makapagbigay ng malaking tulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng isang nakatatandang Pilipino,” paliwanag ni Ejercito.
“Para sa maraming retirado, mabilis na nauubos ang maliit na buwanang pensiyon sa maintenance medicines, pagkonsulta sa doktor, pagkain, upa, kuryente, transportasyon, at iba pang pangunahing pangangailangan. Malayo ito sa ninanais nating seguridad sa pananalapi para sa ating mga senior citizen,” dagdag niya.
Kasabay ng patuloy na pagdami ng senior citizens — na ayon sa 2024 Census of Population ng Philippine Statistics Authority nasa isa sa bawat sampung Pilipino — iginiit ni Ejercito na dapat tiyakin ng pamahalaan na nakasasabay ang social protection system sa nagbabagong pangangailangan ng mga nakatatanda.
“Ginugol ng ating mga senior citizen ang pinakamabungang bahagi ng kanilang buhay sa pagtatrabaho, pagpapalaki ng pamilya, pagtatayo ng mga komunidad, at pagtulong sa ating bansa. Marami sa kanila ang nag-alaga sa atin noong tayo ay bata pa at hinahanap pa ang ating direksyon sa buhay. Sa kanilang pagtanda, nararapat lamang na suklian natin sila ng pamumuhay na may dignidad at seguridad,” ani niya.
Sa ilalim ng SB 2522, palalawakin ang depinisyon ng isang indigent senior citizen upang maisama ang mga nakatatandang Pilipinong walang pension o permanenteng pinagkukunan ng kita, gayundin ang mga tumatanggap ng pension, compensation, o financial assistance na hindi lalampas sa P10,000 kada buwan, batay sa pagtukoy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).


