WebClick Tracer

Jeep tinangay ng malakas na agos sa Batangas, 1 dedo

Patay ang isa habang patuloy na hinahanap ang isa pa matapos tangayin ng malakas na agos ng ilog ang isang pampasaherong jeepney sa Rosario, Batangas.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) Southern Tagalog District, narekober nitong Linggo, Oktubre 4, ang katawan ng isa sa dalawang pasaherong nawawala matapos matangay ang jeep habang tumatawid sa spillway sa Barangay Colongan.

Namataan ang katawan sa pamamagitan ng aerial drone bandang alas-8:57 ng umaga sa bahagi ng ilog, tinatayang tatlong kilometro mula sa spillway kung saan nangyari ang insidente.

Nangyari ang insidente bandang alas-5:30 ng hapon noong Sabado, Oktubre 3, nang tangkain ng jeepney na may sakay na 14 katao na tumawid sa spillway sa ibabaw ng Paninsingin River.

Gayunman, hindi kinaya ng jeep ang malakas na agos ng tubig at tuluyang inanod at lumubog.

Labindalawang pasahero ang nailigtas ng mga residente, habang ang dalawang iba pa ay unang naiulat na nawawala.

Batay sa mga ulat, magkasintahan ang dalawang pasaherong nawawala. (IS)