Target ng Senate impeachment court na maglabas ng hatol sa kaso ni Vice President Sara Duterte sa katapusan ng Nobyembre, ayon kay Senate President at Senator-Judge Sherwin Gatchalian.
“Siguro mga mid-November, mid-November to end-November. Hopefully. Hopefully,” pahayag ni Gatchalian sa panayam sa DZBB nitong Linggo, Okturbe 4.
Sabi ni Gatchalian, ngayong linggong ito matatapos ang pagtalakay ng Article II na may kinalaman sa hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente at kasunod noon ay ang pagpasok naman ng Article III o bribery.
“This week to next week, matapos na itong Article 2 or Unexplained Wealth. Tapos, papasok naman tayo doon sa Article 4 or yung bribery. Tapos, after that, yung defense na. So, hopefully, sa defense, mas episyente na yung magiging takbo dahil nga sanay na yung mga ano,” ani Gatchalian.
“So between 30 to 45 days. But I can be wrong, dahil maraming, like I said, maraming pagbabago kasi in the middle. Personal estimate,” sambit pa niya.
Ayon sa Senate President, ang pinakang-target talaga ay tapusin ang impeachment proceedings bago mag-Pasko subalit dahil sa ilang pagbabago maaring mapaaga pa ito.
“Depende kasi yan sa ipipresentang mga witnesses. Kagaya nung itong confidential funds, kaagad limang witnesses tinanggal. So kaagad na bawasan kaagad. So itong unexplained wealth, may mga tinanggal rin, mga witnesses. So depende rin yan,” ani Gatchalian.
Una rito, sinabi ni Impeachment court Spokesman Atty. Reginald Tongol na posibleng maglabas ng pinal na hatol ang korte pagsapit ng Disyembre 16, 2026.
Subalit sabi ni Gatchalian, estimate o pagtataya lang iyon ni Tongol at nakadepende pa rin ito sa ihaharap pang mga testigo sa korte sa susunod na mga araw.
“Yun ang estimate ng spokesperson base rin sa mga testigong ipipresenta at tinanggal. Kasi depende rin yan sa mga testigo. At malaking bagay kasi itong 11 days na whole day. Marami kaming matatapos talaga dyan. Siguro sa isang araw kaya dalawa o tatlong testigo. So malaking bagay talaga yan,” ani Gatchalian.
“At kung kakayanin pa, mag-dedicate ng whole day for the impeachment. Yun naman ang pag-uusapan moving forward. Kung nakikita natin, nagiging flexible rin yung scheduling para mag-adjust tayo along the way at mabigyan natin ng mahabang panahon ang impeachment trial,” sambit pa niya. (Dindo Matining)


