WebClick Tracer

Ilang raliyistang nagtangkang magdaos ng lightning rally sa Malacañang napigilan

Hindi umubra ang palusot ng ilang raliyista na nagtangkang magdaos ng lightning rally sa Malacañang complex makaraang pigilan sila ng mga nagbabantay na tauhan ng Presidential Security Command (PSC) ngayong Linggo ng umaga.

Ang mga raliyista ay nagpanggap na magsisimba sa St. Jude church subalit agad natunugan ng mga tauhan ng PSC nang magsimulang magtipon-tipon malapit sa gate ng simbahan.

Hindi na nakausad pa ang mga raliyista palapit sa Mabini gate dahil napigilan agad ito ng mga nagrespondeng tauhan ng PSC.

Mabilis na napaalis ang grupo matapos hindi umubra ang pakikipagtulakan sa mga tauhan ng PSC.

Ang pansamantalang tulakan at pagmamatigas ng mga raliyista ay nagdulot ng pansamantalang traffic sa kahabaan ng J.P. Laurel street sa loob ng Malacañang complex. (Aileen Taliping)