WebClick Tracer

Higit kalahati ng mga Pinoy ramdam ang kalayaang magsalita laban sa gobyerno – survey

Mahigit kalahati ng mga Pilipino ang nakararamdam ng kalayaang magsalita nang hayagan, kahit pa laban sa pamahalaan, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).

Sa isang survey na isinagawa mula Hunyo 20 hanggang 29, sumang-ayon ang 59% ng mga Pilipino sa pahayag na “I can say anything I want, openly and without fear, even if it is against the administration.”

Samantala, 22% naman ang hindi sumang-ayon at 17% ang undecided.

Dahil dito, naitala ang net agreement score na +37 na tinukoy ng SWS na “strong.” Kapareho ito ng naitala noong Marso at mas mataas sa moderate +26 na naitala noong Nobyembre 2025.

Pinakamataas naman ang net agreement sa Metro Manila na nasa strong +48, sinundan ng Mindanao na +40 at Balance Luzon na +39. Pinakamababa ito sa Visayas na nasa moderate +22.

Ayon sa SWS, ang 59% gross agreement noong Hunyo ang pinakamataas na naitala mula noong Nobyembre 2020, nang umabot ito sa 65%.

Isinagawa ang survey sa 1,200 adultong Pilipino, tig-300 mula sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas at Mindanao, at may margin of error na ±3 percentage points para sa national estimates. (AC)