WebClick Tracer

Driver nasawi sa karambola 3 truck sa Real, Quezon

Nasawi ang isang 58-anyos na driver matapos masangkot sa salpukan ng tatlong dump truck sa national road sa Barangay Tignoan, Real, Quezon, dakong alas-7 ng gabi nitong Sabado.

Kinilala ng pulisya ang nasawi na si alyas “Encio,” residente ng Barangay Sulib, Pangil, Laguna, at driver ng isang puting Howo dump truck.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Real Municipal Police Station, biglang pumasok sa highway ang isang sasakyan mula sa kanang bahagi ng kalsada kaya nagpreno ang unang dump truck at sinundan ito ng ikalawang truck.

Nang makalusot na ang pumasok na sasakyan, umaarangkada na muli ang unang dump truck nang mabangga ito ng ikalawang truck sa likurang bahagi nito, bago umalpok naman dito ang kasunod na ikatlong dump truck.

Napag-alaman na ang tatlong dump truck ay magkaka convoy at lahat ay taga Brgy. Sulib Pangil, Laguna ang tatlong driver.

Naipit sa loob ng ikatlong truck ang 58-anyos na driver at pinagtulung- tulungang rescue-hin ng mga miyembro ng MDRRMO, PNP at BFP.

Matapos mahugot sa nawasak na unahan ng truck, isinugod ito sa Quezon Provincial Hospital Network–Claro M. Recto, ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa matinding pinsala.

Sugatan naman ang 48-anyos na driver ng ikalawang truck at ang 19-anyos na truck helper.

Kinustodiya naman ng pulisya ang dalawa pang driver na sangkot habang pinag-uusapan ang posibleng amicable settlement. (Ronilo Dagos)