Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagkasawi ng isang Philippine Eagle na natagpuan malapit sa isang poste ng kuryente sa Salay, Misamis Oriental, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Northern Mindanao.
Ayon sa DENR, bandang alas-9 ng umaga noong Oktubre 1 nang matagpuan ng isang magsasaka ang agila malapit sa poste ng kuryente sa Sitio Panghaon, Barangay Guinalaban habang bumibisita sa kalapit na bukid.
Natanggap umano ng CENRO Gingoog City ang ulat mula sa mga opisyal ng barangay dakong alas-11 ng umaga. Agad namang nagtungo ang mga tauhan ng CENRO sa lugar para magsagawa ng field investigation.
Natukoy na isang adult Philippine Eagle ang nasawi, na may tinatayang wingspan na 76 pulgada, 40.5 pulgadang buntot at bigat na 5.25 kilo. Tinatayang 3.18 pulgada naman ang haba ng tuka nito.
Wala umanong nakitang malinaw na sugat sa katawan ng agila, ngunit may burn-like marks sa mga paa nito. Dahil dito at sa lokasyon kung saan ito natagpuan, kabilang sa tinitingnang posibleng sanhi ng pagkasawi ng agila ang electrocution.
Gayunman, sinabi ng DENR na hindi pa matutukoy ang aktuwal na sanhi ng pagkamatay hangga’t hindi nakukumpleto ang karagdagang pagsusuri at necropsy.
Dinala ang labi ng agila sa Bukidnon Provincial Zoo sa Malaybalay City para sa pansamantalang pangangalaga bago ito ini-turn over sa Philippine Eagle Foundation noong Oktubre 2 para sa necropsy at karagdagang pagsusuri.
Hinikayat ng DENR ang publiko na agad i-report sa pinakamalapit na tanggapan ng ahensya o wildlife authorities ang mga nakikitang Philippine Eagle at iba pang wildlife. (AC)


