Naghahanda ang Department of Agriculture (DA) ng mas malaking food buffer upang maibsan ang epekto ng posibleng super El Niño, kasabay ng babala nitong maaaring bumaba ang kabuuang produksyon ng agrikultura.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., pinalalawak ng pamahalaan ang kapasidad sa pag-iimbak ng bigas at nagbubukas ng karagdagang cold storage facilities para sa posibleng supply disruption.
“The National Food Authority now has 365 active warehouses, up from around 300, after renting an additional 165 facilities. The expanded storage network, including silos and other warehouses, is expected to help the country ride out potential supply disruptions,” pahayag ng DA.
Nagbubukas din ang DA ng mga bagong cold storage facility para mapahaba ang shelf life ng karne at gulay.
Samantala, ayon kay Tiu Laurel, nagsasagawa na rin ng cloud seeding sa mga lugar na apektado ng drought, kabilang ang Isabela at Negros. Magsasagawa rin aniya ang DA ng cloud-seeding flights hangga’t may sapat na moisture ang mga ulap para makalikha ng ulan.
Nagbabala ang PAGASA na maaaring tumagal hanggang Marso o Hunyo ang El Niño, habang nasa 40 probinsya ang inaasahang makararanas ng below-normal rainfall at posibleng dumoble pa ang bilang pagsapit ng Enero.
Nauna nang sinabi ng DA na maglalaan ito ng halos P10 bilyon para sa fuel at fertilizer subsidies, gayundin sa solar-powered irrigation projects. Nagpaplano rin ang ahensya na dagdagan ang paggamit ng pataba at pamamahagi ng mga binhi.
“At the end of the day, we are looking at the worst-case scenario, so we expect that overall production will still be lower,” dagdag ni Tiu Laurel. (AC)


