WebClick Tracer

College educator pumalag matapos umano’y pananakit sa mga nagprotestang guro sa Malacañang

Umalma ang college educator na si Mikee Brosas sa umano’y pananakit sa grupo ng mga gurong nagsagawa ng kilos-protesta sa Malacañang, isang araw bago ang pagdiriwang ng World Teachers’ Day.

Sa kanyang post, kinuwestiyon ni Brosas kung ito ba umano ang paraan ng pamahalaan sa pagpapakita ng pagpapahalaga sa mga gurong tinuturing na mahalaga sa nation building.

“Ito ba ang definition ninyo sa mga guro bilang indispensable than ever o someone na essential in terms of nation building?” ani Brosas.

Ito ay matapos magtamo umano ng minor injuries ang ilang guro na lumahok sa protesta dahil sa gitgitan nila ng mga pulis.

Mariing binatikos ni Brosas ang umano’y mabababaw na papuri ng pamahalaan sa mga guro.

“Ang lalakas ng loob magsabi ng kung anu-anong mabababaw na papuri nitong estado, pero ang totoong trato sa mga matagal nang bumubuhat sa lagay ng edukasyon, pilit binubugbog at dinarahas.”

Aniya pa, hindi kailangan ng mga guro ang mga “fake appreciation post” at taon-taon umanong lip service.

“Hindi ‘yan ang kailangan ng mga guro. Nakabubuhay at makataong sahod, kasama ng respeto na hirap kayong ibigay ang matagal nang hinaing,” pahayag niya.

Nanawagan din si Brosas na itigil ang umano’y pagbibigay ng mga walang saysay na slogan sa mga educator at sa halip ay tugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.

“Stop feeding educators empty slogans. Bawiin ang dignidad ng mga guro. Pagandahin ang living conditions, itaas ang sahod, itigil ang karahasan,” giit niya. (IS)