WebClick Tracer

Chinese fighter aircraft paulit-ulit na lumapit sa eroplano ng AFP, nagdulot ng panganib

Nakaranas umano ng delikadong paglapit at pagmaniobra mula sa Chinese J-16 fighter aircraft ang isang eroplano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) habang nagsasagawa ito ng maritime patrol sa bahagi ng Bajo de Masinloc noong Oktubre 3.

Ayon sa AFP, isang C-208 aircraft nila ang nagsasagawa ng routine maritime patrol nang makaengkuwentro nito ang dalawang Chinese military aircraft. Isa sa mga ito ay nakilalang J-16 fighter aircraft.

Sinabi ng AFP na ilang ulit na lumapit at nagmaniobra ang J-16 malapit sa Philippine aircraft. Kabilang umano rito ang pagdaan sa harap at pag-ikot sa paligid ng C-208, pati ang pagposisyon sa likuran nito kung saan tinatamaan ng tinatawag na aircraft wake.

Ayon sa AFP, nagdulot ng panganib sa kaligtasan ng mga sakay ng Philippine aircraft ang naturang mga maniobra.

Sinabi rin ng militar na bahagi ang insidente ng paulit-ulit na “unsafe and coercive behavior” laban sa mga barko at eroplano ng Pilipinas na nagsasagawa ng mga legal na operasyon.

Gayunman, nanatiling maingat at propesyonal ang Philippine aircrew at sinunod ang mga itinakdang aviation procedures.

Nakumpleto naman umano ng C-208 ang maritime patrol at ligtas na nakabalik nang walang iba pang insidente.

Tiniyak ng AFP na magpapatuloy ang routine maritime at air patrols nito sa West Philippine Sea.

Sinabi rin ng militar na mananatili itong nakabantay at uunahin ang kaligtasan ng mga tauhan at sasakyang panghimpapawid habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. (IS)