WebClick Tracer

China humarang sa pagsita sa dynamite fishing malapit sa Pag-asa Island – PCG

Rumesponde ang Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Navy at PNP Maritime Group sa ulat ng hinihinalang dynamite fishing malapit sa Sandy Cays 2 at 3, tatlong nautical miles kanluran ng Pag-asa Island.

Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, alas-7:20 ng umaga nitong Linggo nang mamataan ng Joint Task Unit Pag-asa ang isang dayuhang fishing vessel na umano’y nagsasagawa ng blast fishing sa lugar.

Agad na nagpakilos ang Coast Guard District Kalayaan Island Group ng inter-agency team at nag-deploy ng mga sasakyang pandagat ng PCG, Navy at PNP Maritime Group.

Pagdating sa lugar, inatasan umano ng team ang fishing vessel na huminto at ilang beses itong ni-radio. Gayunman, hindi umano ito sumunod at naglayag patungong timog-kanluran ng Zamora Reef.

Habang sinusundan ang fishing vessel, hinarangan umano ng China Coast Guard vessel CCG 21581 ang mga Philippine vessel at lumapit nang nasa 10 yarda lamang sa PCG vessel.

Namataan din umano ang isang People’s Liberation Army Navy helicopter na umikot nang apat na beses sa ibabaw ng team.

Itinigil ng inter-agency team ang paghabol sa fishing vessel dahil sa safety reasons at ligtas na nakabalik sa Pag-asa Island dakong alas-10:48 ng umaga.

Ayon sa PCG, ipinagbabawal sa ilalim ng Philippine Fisheries Code ang dynamite fishing dahil nakapipinsala ito sa coral reefs at fish stocks na pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mangingisda.

Iginiit ng PCG na routine law enforcement operation ang isinagawa ng mga awtoridad laban sa ilegal at mapanirang pangingisda at hindi ito nakatuon laban sa anumang bansa.

Idodokumento umano ng ahensya ang insidente at ire-refer sa Department of Foreign Affairs para sa kaukulang aksyon sa pamamagitan ng umiiral na channels.

Tiniyak naman ng PCG, Philippine Navy at PNP Maritime Group na magpapatuloy ang pagpapatupad ng mga batas ng Pilipinas at pagprotekta sa yamang-dagat sa paligid ng Pag-asa Island at Kalayaan Island Group. (AC)