Inuunggoy umano ni Vice President Sara Duterte ang sambayanang Pilipino nang palabasing nakapagbenta ng mahigit P300 milyong halaga ng banana chips ang Cale88 Food Corp. ng kanyang mister na si Atty. Manases Carpio.
“P300 million for banana chips? Inuunggoy na talaga tayo ni VP Sara,” ani Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos isiniwalat ni dating Sen. Antonito Trillanes na umaabot umano sa P319 milyon ang natanggap ng nasabing kumpanya mula sa gobyerno ng China at ilang China-Based Companies.
Ayon kay Trillanes, ipinapalabas na ang Cale88 Food corporation ay nag-eexport ng banana chips subalit kung ang binabayarang kuryente ng kumpanya na P8,000 noong 2023 ay hindi umano totoong may pagawaan ang mag-asawang Duterte.
Noong 2021 umano ang nagdeklara ang kumpanya na wala silang benta subalit noong 2022 ay biglang kumite ang mga ito ng P20,000 at naging P23 milyon noong 2023 at P150 milyon noong 2024.
Sa kabuan umano ay P208.49 milyon ang sales ng Cale88 Food corporation subalit ang pumasok umano na pera sa kanilang account ay P300 milyon at hinihinala ng dating senador na ang perang ito ay mula sa China.
Dahil dito, sinabi ni Cendaña na inuunggoy ng pangalawang pangulo dahil ipinapalabas ng mga ito na tumabo sila sa banana chips lalo na’t sinabi ni Trillanes na walang factory ng pagawaan ng nasabing produkto na ineexport sa ibang bansa. (Bernard Taguinod)


