WebClick Tracer

Cayetano sa kabataan: Huwag hayaang iba ang magtakda ng inyong pagkatao

Pinaalalahanan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Sabado ang mga kabataan na huwag hayaang ang social media, trabaho, grado, o iba pang pamantayan ng lipunan ang magtakda kung sino sila at kung ano ang kanilang halaga.

Sa harap ng libo-libong kabataan sa Christian Bishops and Ministers Association of the Philippines (CBMAP) Youth Conference nitong Oktubre 3, ibinahagi ni Cayetano ang kanyang “VIP” framework na nakasentro sa Vision, Identity, at Purpose bilang gabay ng kabataan sa buhay.

“Kung ano man ang trabaho mo, hindi ‘yan ang identity mo,” wika ni Cayetano sa kanyang talumpati.

“Ipakita ninyo na ‘Ang aming identity ay wala sa kayamanan, wala sa grades, wala sa gaano kasikat sa barkada or sa social media… ang aming identity ay nasa Panginoon,’” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Cayetano na ang pagkakaroon ng malinaw na Vision ay nagbibigay ng direksyon sa kabataan at makatutulong upang hindi sila mawalan ng pag-asa sa hinaharap.

“Hindi ka pwedeng magplano nang wala kang vision… Isa sa dapat mong parating tinatanong ay, ‘Lord, ano’ng vision mo sa buhay ko? Lord, why am I here?'” wika niya.

Para naman sa pagkakakilanlan o Identity, sinabi ni Cayetano na hindi dapat nakabatay ang halaga ng isang tao sa kasikatan sa social media, yaman o mga nakamit sa buhay.

“Iisa lang po ang marunong mag-grade sa tao — ang Diyos lang,” wika niya. (Dindo Matining)