Pormalisasyon na lamang ang kulang para hindi na ilatag ng prosecution panel sa impeachment court ang Article 3 o bribery case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang nabatid kay prosecution spokesman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong kaugnay ng nasabing artikulo na kabilang sa apat na article of impeachment na isinampa laban sa pangalawang pangulo.
“Ang direction ay hindi na siya ita-tacle. Pero pa natin fina-finalize iyan dahil on-going pa yung discussion sa prosecution panel,” pahayag ni Adiong isang panayam nitong Linggo.
Ang nasabing article ay may kaugnayan sa umano’y pahuhuhol ni Duterte sa mga opisyales ng Department of Education (DepEd) na unang naisiwalat sa imbestigasyon ng House committee on good government and public accountability na pinamumunuan ni prosecutor at Manila Rep. Joel Chua noong 2024.
Kabilang sa regular na binibigyan umano ng envelop na may lamang pera si dating DepEd Undersecretary Gloria Mercado, na dating hepe ng procurement division ng nasabing ahensya na pinamunuan ni Duterte mula 2022 hanggang 2024.
Ayon kay Adiong, matibay na ang kanilang kaso sa tatlong article na kinabibilangan ng grave threat, confidential funds, at unexplained wealth and violation of Statement of Assets Liabilities ang Networth (SALN).
“Kasi bakit mo pa papabahain ang trial ko kung para sa amin naman, ay napakita naman namin yung mga kinakailangang ebidensya,” ani Adiong.
Bukas ay ipagpapatuloy ang paglilitis sa unexplained wealth article kung saan ihaharap ng prosecution si Anti-MoneyLaundering Council (AMLC) Executive Director Atty. Ronel Buenaventura. (Bernard Taguinod)


