Malalaman na umano ng sambayanang Pilipino kung saang galing ang milyones ni Vice President Sara Duterte kabilang na ang pumasok sa account umano ng Cale88 Food Corp. ng kanyang mister na si Atty. Manases Carpio.
Ito ang nabatid kay prosecution spokesman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong dahil ihaharap na ng prosecution panel sa witness stand si Anti-Money Laundering Council (AMLC) executive director Atty. Ronel Buenaventura.
“Tomorrow doon po natin ma-establish kung ano pong naging sources (ng pera),” pahayag ni Adiong.
Unang sinabi ng AMLC sa House committee on justice na may P6.7 bilyon na gumalaw sa bank accounts ng mag-asawang Duterte-Carpio kung saan P4.4 bilyon dito ay pumasok at mahigit kumulang sa P1.5 bilyon ang lumalabas,
Gayunpaman, hindi idinetalye sa nasabing komite kung saan galing ang mga perang ito bawal sa mga Congressmen na magsagawa ng trial o paglilitis dahil tanging ang Impeachment court ang may kapangyarihang gawin ito.
Dahil dito, sinabi ni Adiong na puwede nang matanong si Buenaventura kung saan galing ang mga perang ito ni Duterte na hindi umano nito idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN).
Hindi sinabi ni Adiong kung kabilang sa P6.7 bilyon ang P319 milyon na isiniwalat ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na pumasok sa Cale88 Food Corp nap ag-aari umano ng mister ng pangalawang pangulo.
Gayunpaman, malalaman umano ang lahat ng pinanggalingan ng pera ng mag-asawang Duterte na hindi nito idineklara sa kanyang SALN na maliwanag aniya na paglabag sa batas at isang impeachable offense. (Bernard Taguinod)


