WebClick Tracer

Trillanes may ‘kuwento’, prosekusyon may ‘resibo’ – Luistro

Bagama’t sinabi ni dating Senador Antonio Trillanes IV na maaari niyang ibigay ang kontekstong mag-uugnay sa mga financial records sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, iginiit naman ng prosekusyon na nasa kanilang mga testigo ang mga dokumentong magsisilbing “resibo”.

Inihayag ito ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro sa panayam sa programang “Politiko Talks” ng Bilyonaryo News Channel, kasunod ng pahayag ni Trillanes na siya lang umano makakapagbigay ng buong konteksto at mag-“connect the dots” ng mga ebidensya.

Ayon kay Luistro, maaaring magsilbing reference ng prosecution ang mga pahayag ni Trillanes, ngunit nasa mga prosecution witness umano ang mga dokumentong magpapatunay sa mga impormasyong inilalahad sa paglilitis.

“Perhaps it will be part of our references. Because in terms of evidence, I think the prosecution’s witnesses are ready to present the records,” anang mambabatas.

Ipinaliwanag niya na nakahanda ang mga prosecution witness, kabilang ang mga resource person mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), na magpresenta at magpatunay sa mga dokumentong kaugnay ng kaso.

“As a matter of fact, this is how I appreciate it: Binigay ni former Senator Trillanes ’yung kwento. Nasa prosecution witnesses ang resibo,” dagdag pa ni Luistro.

“And what is important para sa ating mga kababayan ay bantayan po natin kung magtutugma ang kwento sa resibo,” pagbibigay-diin pa ni Luistro.

Panoorin ang buong panayam kay Luistro sa October 2 episode ng “Politiko Talks”.

Maaari namang abangan ang programa tuwing Biyernes, 8:00 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AM)