WebClick Tracer

Trillanes kinuwestiyon objectivity ni Escudero: ‘Bantayan niyo ‘yung presiding officer!’

Antonio Trillanes IV questioning Senate President Chiz Escudero's objectivity during the impeachment trial

Kinuwestyon ni dating senador Antonio Trillanes IV ang pagiging objective ni Senate President at impeachment presiding officer Francis “Chiz” Escudero matapos bigyan ng impeachment court ng karagdagang oras ang kampo ni Vice President Sara Duterte para suriin ang mga financial records mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Ayon kay Trillanes, dapat nang naayos ng impeachment court ang mga usapin kaugnay ng presentasyon ng AMLC transaction records matapos itong mapagbotohan at mapagkasunduan ng mga senador.

“Kitang nyo yan. Napagbotohan na nila yan. Napag-agreehan na nila ‘yan,” ani Trillanes. “Kung objective ang presiding officer, tapos na yan. Present niyo na ‘yan.”

Kinuwestyon din ng dating senador ang muling pagtalakay sa mga usapin tungkol sa bank confidentiality at presentasyon ng AMLC records matapos humingi ng dagdag na oras ang depensa para suriin ang mga dokumento.

Hindi rin sinang-ayunan ni Trillanes ang argumento ng defense na masyadong marami ang mga dokumentong kailangan nilang repasuhin.

Ayon sa kanya, hawak na umano ng mga abogado ni Duterte ang mga records ilang linggo bago ang pagdinig.

Samantala, kinansela ng Senate impeachment court ang buong araw na pagdinig noong Oktubre 2, upang bigyan ng panahon ang depensa na suriin ang financial documents bago ang inaasahang testimonya ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura.

Ayon kay Trillanes, nagresulta sa pag-aaksaya ng oras ng paglilitis ang pagbibigay ng konsiderasyon sa kahilingan ng depensa.

“Pero kinatigan sila nung presiding officer. Edi ngayon… nagsayang ng isa’t kalahating araw. So bantayan niyo ‘yung presiding officer. That’s what I’m saying. Tingnan niyo,” ani Trillanes.

Idinagdag pa niya kaugnay ng mga komento sa takbo ng paglilitis, “Kung boring, problema niya ‘yun, kasi siya ‘yun e.” (AM)