WebClick Tracer

TNVS drivers umaabot sa 18 oras sa biyahe dahil sa taas-presyo ng langis – UTCPI

Umaabot umano sa 14 hanggang 18 oras ang trabaho ng ilang Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, ayon kay United Transportation Coalition Philippines Inc. (UTCPI) President Lisza Buscaino-Redulla.

Sa panayam ni Pinky Webb sa programang “On Point” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Buscaino-Redulla na napipilitan ang ilang driver na magtagal sa kalsada upang kumita sa kabila ng tumataas na gastos sa operasyon.

Ayon sa kanya, nasa 8 hanggang 10 oras ang karaniwang oras ng trabaho ng TNVS drivers, na maaaring umabot sa 12 oras. Ngunit dahil sa oil crisis, umaabot na umano ito sa 14, 16 at maging 18 oras.

“Siguro 8 to 10 is regular hours. Hanggang 12 siguro. Pero with the oil crisis, naging 14, 16, 18. Sobrang haba,” ani Buscaino-Redulla.

Nagbabala naman siya sa epekto ng sobrang haba ng oras sa biyahe sa kalusugan ng mga driver. Aniya, nakatanggap siya ng impormasyon tungkol sa mga driver na nakaranas ng stroke at atake sa puso habang nasa biyahe.

“Longer hours on the road, which is not good for the health also. Kasi siyempre, wala nang pahinga yung mga drivers. Actually, kasi I have first-hand information on cases of stroke and heart attack. Nasa biyahe, hinto na lang,” ani Buscaino-Redulla.

Binigyang-diin din niya hindi lamang kalusugan ng driver ang maaaring maapektuhan ng sobrang oras sa kalsada kundi maging ang kaligtasan ng mga pasahero.

Samantala, sinabi ni Buscaino-Redulla na malaking tulong sana sa TNVS drivers kung maisasama sila sa mga fuel discount o iba pang suporta na ibinibigay sa jeepney at bus operators.

Gayunman, aniya, wala pa umanong malinaw na dahilan kung bakit hindi sila kasama sa naturang mga hakbang.

Sinabi rin ni Buscaino-Redulla na regular silang nakikilahok sa mga konsultasyon ng gobyerno, ngunit kadalasan ay wala umanong konkretong kasunod na aksyon matapos ang mga pagpupulong.

Panoorin ang buong panayam kay Buscaino-Redulla sa October 2 episode ng “On Point”.

Maaari namang abangan ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 7:30 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AM)