WebClick Tracer

Three-fourths ng DOLE budget pang-ayuda – San Fernando

Rep. Eli San Fernando speaking about the DOLE budget allocation for TUPAD and labor rights protection

Binatikos ni Kamanggagawa party-list Rep. Eli San Fernando ang pag-apruba sa dagdag na P5 bilyon sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon kay San Fernando, ang desisyon ng House Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc) na itaas sa mahigit P19.2 bilyon ang budget ng TUPAD ay nangangahulugan na three-fourths ng kabuuang P26.2 bilyong DOLE budget ay para na sa ayuda.

“P19 billion na o tatlong-kapat ng hinihinging budget ng DOLE Office of the Secretary ang napunta lang sa TUPAD! Napakatigas talaga ng mukha mo, Sec. Francis Tolentino! Sa sobrang daming responsibilidad ng DOLE sa pangangalaga sa mga manggagawa, TUPAD pa talaga ang inuuna mo? Kaya walang silbi at inutil ang DOLE kasi pinalalabas ninyong ahensya ng ayuda ang departamento sa halip na tagapagtanggol ng karapatan ng manggagawa!” sabi ni San Fernando.

Binanggit din ni San Fernando na umaabot sa P962.3 milyon ang administrative expenses para lamang sa pamamahala ng TUPAD. Ayon sa solon mas mataas ito kaysa sa kabuuang taunang budget para sa Labor Laws Compliance at labor inspections na nasa P877.3 milyon lamang.

Idinagdag ng mambabatas na nakaranas ng P816,000 bawas ang mga programang tumutugon sa mahahalagang isyu tulad ng Child Labor Prevention and Elimination Program (CLPEP), na nag-iwan dito ng P85.86 milyon na budget.

“Ginawa niyong pondo para sa papalapit na eleksyon ang pondo ng mga manggagawa. Mas mahalaga pa sa kanila ang pamimigay ng ayuda para sa patronage politics kaysa sa pagtiyak na ligtas, may sapat na pasahod, at hindi inaabuso ang ating mga manggagawa sa mga pagawaan,” sabi ng mambabatas.

Iginiit din ni San Fernando na ang kakulangan sa pondo para sa labor inspection system ay nag-iiwan sa milyun-milyong outdoor at indoor workers na walang sapat na proteksiyon, lalo na sa nalalapit na pagsisimula ng Super El Niño. (Billy Begas)