Tuluyan nang binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang rider na umano’y umalis matapos makasagi ng kapwa motorista, dahilan upang mahulog ang rider at kanyang angkas.
Ayon sa LTO, nagsasagawa ang rider ng delikadong maniobra na naging dahilan upang mawalan ng balanse ang natamaan nitong motorsiklo.
Idineklarang improper person to operate a motor vehicle ang rider at pinatawan ng diskuwalipikasyon na mabigyan muli ng lisensya sa loob ng dalawang taon.
Pinatawan din siya ng kaukulang parusa dahil sa paglabag sa duty of the driver in case of accident, matapos umalis sa lugar nang hindi huminto upang magbigay ng kinakailangang tulong sa biktima.
Nakatanggap din umano ang rider ng traffic citation ticket mula sa pulisya dahil sa reckless driving kaugnay ng insidente.
“Bawat paglabag ay seryosong inaaksyunan ng LTO. Kapag nilabag mo ang batas at tumakas matapos ang isang insidente, may katapat itong pananagutan, kabilang ang pagbawi ng iyong lisensya,” saad ni LTO Chief Markus Lacanilao. (AC)


