Patuloy ang suporta ng PlayTime Entertainment sa industriya ng pelikulang Pilipino matapos nitong pormal na makipag-partner sa Philippine Movie Press Club (PMPC) para sa nalalapit na 42nd PMPC Star Awards for Movies.
Opisyal nang nilagdaan ang partnership agreement noong October 1, 2026 kung saan itinalaga ang PlayTime Entertainment bilang Official Entertainment Partner ng prestihiyosong awards ceremony.
Ginanap ang signing ceremony sa PlayTime Entertainment Office. Lumagda sa kasunduan sina PlayTime Entertainment President Roy Alcid at PMPC Star Awards Inc President Fernan De Guzman habang naging witnesses sina PlayTime Entertainment Spokesperson Adela Mae Marshall at 42nd Star Awards for Movies Executive Producer Jojo Mendrez.
Hindi na rin bago ang partnership ng dalawang organisasyon. Sa loob ng tatlong taon, patuloy nang nagbibigay ng suporta ang PlayTime Entertainment sa PMPC at sa iba’t ibang award-giving platforms nito para sa Movies, Television at Music.
Itinuturing na isang mahalagang milestone ang panibagong partnership dahil layunin nitong mas mapalapit ang awards sa mga tagahanga at maging mas interactive at engaging ang selebrasyon ng Philippine entertainment industry.
“Proud moment ito para sa PlayTime Entertainment. Honored kaming suportahan ang PMPC Star Awards for Movies at i-celebrate ang galing at husay ng Philippine cinema. Gusto naming marinig ang boses ng mga fans na siyang lifeblood ng showbiz,” ani Alcid.
Para naman kay De Guzman, natural na hakbang ang pagpapatuloy ng kanilang partnership.
“Thrilled kami na makasama ulit ang PlayTime Entertainment sa Star Awards for Movies ngayong taon. Three years na silang sumusuporta sa amin at sobra kaming thankful. Ang commitment nila sa entertainment at direct connection sa fans ay bagay na bagay sa goal naming gawing mas accessible at engaging ang awards para sa modern audience,” pahayag ni De Guzman.
Isa sa mga tampok na hatid ng partnership ay ang PlayTime Fans’ Favorite Award para sa Paboritong Pelikula ng Tapn na igagawad sa mismong awards night sa October 25, 2026, sa Winford Hotel Manila.
Para sa mga tagahanga na nais makibahagi, isasagawa ang PlayTime Fans’ Favorite voting campaign sa PlayTime website, www.playtime.ph, mula October 12 hanggang October 21.
Mula naman October 21 hanggang October 25, isasagawa ang vote counting at verification.
Sa pamamagitan nito, ang mga fans mismo ang magkakaroon ng pagkakataong piliin ang kanilang paboritong pelikula ng taon.
Ang PlayTime Entertainment ay isang entertainment ecosystem na naghahatid ng saya at makabuluhang entertainment experiences sa mga Pilipino. Sa pamamagitan ng content development, production at distribution sa entertainment at sports, layunin nitong paglapitin ang fans sa mga kuwento, talento at mga sandaling mahalaga sa kanila.
Sa pamamagitan ng mga vertical nitong PT IDOL, PT Sports, at PT Cares, patuloy na nagsisilbing tahanan ang PlayTime Entertainment para sa mga Pilipinong tagahanga ng entertainment at sports. (Rodel Fernando)


