WebClick Tracer

Pasahero arestado dahil sa b*mb joke sa Tacloban airport

Arestado ang isang 32-anyos na lalaki matapos umanong magsabi ng bømb joke habang sakay ng eroplano sa Daniel Z. Romualdez Airport sa Tacloban City, Leyte.

Ayon sa PNP Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP), nangyari ang insidente noong Oktubre 1 habang sumasakay ang mga pasahero para sa flight patungong Maynila.

Tinanong umano ng cabin crew ang lalaki kung mayroon siyang power bank. Sagot umano ng lalaki, “Wala naman, pero bomba, joke.”

Agad rumesponde ang mga tauhan ng PNP AVSEGROUP at inaresto ang pasahero. Isinagawa rin ng Explosive Incident Response Team, Regional Explosive Canine Unit 8 at Special Operations Unit ang security sweeping at K-9 paneling sa paliparan.

Matapos ideklarang walang nakitang explosive o incendiary materials, ipinagpatuloy ang normal na operasyon sa paliparan.

Nananatili sa kustodiya ng Tacloban Airport Police Station ang pasahero habang inihahanda ng PNP AVSEGROUP ang kaukulang reklamo dahil sa umano’y paglabag sa Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law.

Pinaalalahanan naman ng PNP AVSEGROUP ang publiko na seryosong itinuturing ang anumang bomb joke sa mga paliparan dahil maaari itong magdulot ng banta sa seguridad at alarma sa mga pasahero. (AC)