Iniurong ang pagdinig ng Pinoy singer na si Mark Mabasa na naaresto sa gitna ng immigration crackdown sa Estados Unidos.
Ayon sa eksklusibong ulat ni Albert Bataclan sa “Agenda Weekend” ng Bilyonaryo News Channel, iniurong ng immigration judge sa Nobyembre 5 ang pagdinig sa kaso ni Mabasa sa Adelanto Immigration and Customs Enforcement (ICE) Processing Center sa California.
Kinumpirma naman ni Philippine Consul General Adelio Cruz na may legal representation na si Mabasa at dumalo sa pagdinig sa pamamagitan ng Zoom mula sa loob ng detention center.
Noong Setyembre 21, ikinulong si Mabasa ng US ICE matapos niyang lumabas ng Los Angeles International Airport, ngunit walang ibinigay na detalye hinggil dito.
Dumating si Mabasa sa US noong Pebrero 2023 at humingi ng asylum dahil sa mga banta umano sa buhay ng kanilang pamilya.
Nagtungo naman ang ilang raliyista at advocate sa labas ng detention center at Adelanto City Hall upang humingi ng accountability sa gobyerno ng US at Pilipinas.
Pinangangambahan din nila ang umano’y hindi magandang kondisyon sa loob ng pasilidad, kabilang ang kondisyon ng tubig, pagkain, at kalagayang medikal ng mga nakadetine doon.
Pinayagan naman umano ng California court na mabisita ng kanyang pamilya at mga kaibigan si Mabasa.
Paroonin ang buong ulat sa October 3 episode ng “Agenda Weekend” ng Bilyonaryo News Channel.
Mapapanood ang programa tuwing Sabado at Linggo, alas-6 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AC)


