Hindi na kaduda-duda na may mga politikong tumatanggap ng pera mula sa gobyerno ng China, ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela.
Ayon sa ulat ni Isiah Mirafuentes sa “Agenda Weekend” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Tarriela na malinaw na may mga politikong tumatanggap ng pera mula sa China.
“Nagdududa pa ba talaga tayo na some of our politicians are receiving money from the Chinese government? I don’t think na kaduda-duda pa ‘yan. This is already an established fact… you can barely hear them criticize or condemn the unlawful and barbaric behavior of the People’s Republic of China in the West Philippine Sea,” ani Tarriela sa isang news forum.
Hindi naman pinangalanan ni Tarriela ang mga sinasabing politiko.
“I am not naming any particular politician but it’s an open book. Madali namang mag-Google who are those politicians who are holding national positions na wala man lang naging statement of support sa ating Armed Forces of the Philippines,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Tarriela na hindi dapat balewalain ang alegasyon ni dating Senador Antonio Trillanes IV kaugnay sa umano’y pagtanggap ng pamilya Duterte ng milyon-milyong pera mula sa gobyerno ng China.
“If [former] Senator Trillanes can prove itong resibo na ’to, then kaya nga ang sabi ko, it’s a national security concern,” aniya pa.
Samantala, umaasa naman ang House prosecution panel na lalabas ang mga resibo kaugnay ng alegasyon sa impeachment trial kahit hindi na naiharap bilang testigo si Trillanes.
“Narinig natin ‘yung istorya ni Senator Trillanes kahapon so ito naman sa parating na linggo, hanapin naman natin ‘yung mga resibo sa prosecution witnesses na isasalang namin,” ani Prosecution Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. sa parehong news forum.
Panoorin ang buong ulat sa October 3 episode ng “Agenda Weekend” ng Bilyonaryo News Channel.
Mapapanood ang programa tuwing Sabado at Linggo, alas-6 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AC)


