Iginiit ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na wala siyang naramdamang pressure sa prosecution panel kaugnay ng pag-atras ni dating Senador Antonio Trillanes IV bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Inihayag ito ni Luistro sa panayam sa programang “Politiko Talks” ng Bilyonaryo News Channel, kasunod ng pahayag ni Trillanes na nagpasya siyang hindi tumestigo upang maibsan umano ang pressure sa mga prosecutor.
“Mas magandang I speak for myself. Let us not bind the prosecution team. But to be very honest, wala akong nakita o naramdamang pressure,” pahayag ni Luistro.
“Even as chairman of the prosecution panel, as lead prosecutor, there is none. I do not feel any pressure right now,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Luistro, iba ang inakala niya noong una niyang mabasa ang social media post ni Trillanes na humiling umano itong alisin ang pangalan niya sa listahan ng mga testigo upang “the prosecution panel would be relieved from the pressure it is going through”,.
“When I first read his post, na-associate ko ang sarili ko doon sa pressure in reference lang doon sa challenge of presenting the remaining witnesses, considering the voluminous documents that they need to identify, authenticate and present before the impeachment court,” paliwanag niya.
Ngunit sinabi ni Luistro na kalaunan ay napagtanto niyang iba ang konteksto ng “pressure” na tinutukoy ni Trillanes.
Sa kabila nito, iginiit ni Luistro na nananatiling mahalaga sa prosecution panel ang testimonya ni Trillanes at itinuring siyang competent na testigo.
Aniya, inalis ang pangalan ng dating senador sa listahan matapos nitong hilingin iyon.
“Of course, we have always believed na relevant ang testimony niya, competent siya. But of course, prudence-wise, we need to consider the personal position of the witness himself,” ani Luistro.
Sinabi rin niyang ipinabatid sa prosecution panel na bawiin ang pangalan ni Trillanes sa listahan ng mga testigo, na naging dahilan ng kanilang manifestation sa huling trial hearing.
Gayunman, nilinaw nng mambabatas na hindi pa niya nakikita ang mga ebidensiyang inilabas ni Trillanes sa publiko o iba pang ebidensiyang maaaring hawak pa nito.
Ayon kay Luistro, nilinaw din ng Senate impeachment court na maaari pa ring humarap si Trillanes nang boluntaryo at hindi nito hahadlangan ang prerogative ng prosecution panel na iharap siya bilang testigo sakaling magdesisyon itong gawin iyon.
Panoorin ang buong panayam kay Luistro sa October 2 episode ng “Politiko Talks”.
Maaari namang abangan ang programa tuwing Biyernes, 8:00 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AM)


