Math, physics, at musika. Bihira ang ganitong kombinasyon. Pero para sa lead vocalist ng The Dawn na si Jett Pangan, lahat ‘yan ay pinag-aralan at pinaghusayan pa niya.
Lingid sa kaalaman ng marami, may taglay na galing sa math at physics si Jett. Idol rin niya ang kanyang ama na isang aeronautical engineer.
Kaya naman hindi nakakapagtaka na mechanical engineering ang kinuhang kurso ni Jett noon sa De La Salle University. Hindi lang niya ito tinapos, may professional license rin siya bilang isang mechanical engineer.
Ang kanyang pagkakaroon ng magandang edukasyon, ayon kay Jett, ay para na rin maging proud ang mga magulang niya sa kanya.
“But my love for music never went away,” ayon kay Jett sa panayam sa “Sessions With Brian Yamsuan” ng Bilyonaryo News Channel.
Third year college noon si Jett nang mayakag siya ng isang kaibigan na mag-audition para sa isang bagong banda na naghahanap ng isang lead vocalist.
“I was in the college canteen, tapos nilapitan ako ng barkada ko at that time, sabi niya, ‘Pare, yung utol ko may banda, bago, The Dawn, he plays bass there. Naghahahanap sila ng singer.’ That’s all I knew. I didn’t know that they were actively auditioning,” sabi pa ni Jett.
Wala aniyang alam si Jett noon kung anong klaseng banda ang The Dawn nang siya ay mahilang mag-audition. Ang alam lang niya ay babaeng vocalist ang unang gusto noon ng banda na maging lead singer nito kaya’t nagtaka siya kung bakit pa siya nayayang pumunta sa audition.
Pagdating niya sa studio ay naabutan pa ni Jett na may naga-audition na babae. Maging ang demo noon ng Enveloped Ideas, isa sa pinakasikat na kanta ng The Dawn, ay ang babaeng composer ang kumakanta sa cassette tape.
“But since andun na ako, might as well give it a shot,” sabi ni Jett.
Sa kanyang audition, sinabayan ng kanta ni Jett ang mala-heavy metal na version ni Teddy Diaz ng “Don’t You Forget About Me” ng Simple Minds. Nang marinig ng banda ang boses ni Jett, doon na napagpasyahan na siya ang kuning lead vocalist ng The Dawn.
Ayon kay Jett, 17 years old pa lang siya noon nang kumanta siya sa unang gig kasama ang The Dawn at kumita ng P150 bilang kanyang kauna-unahang talent fee. Aniya, masaya pero pressured siya noon dahil kailangan niyang patunayan na siya ang dapat na maging permanenteng frontman ng banda.
“I remember my first talent fee. It was in an envelope. Inabot sa akin, 150 pesos, and it was the most beautiful 150 pesos I ever held. It was the first time I had real money. Sa sobrang tuwa ko, binigay ko sa mommy ko, sabi ko, ‘Nay, puede mo na akong i-open ng account,” natatawang kuwento ni Jett.
Kahit maraming taon na ang lumipas, ang mga iconic na kanta ng The Dawn, tulad ng “Enveloped Ideas,” “Salamat” at “Iisang Bangka” ay patuloy pa ring naririnig at pinapatugtog ngayon.
Nagugulat pa rin si Jett kapag may lumalapit sa kanyang bata at alam ang kanta ng The Dawn.
“More than once, may lalapit sa akin na bata, sabihin na natin below 14 years old. Kinakanta sa akin yung ‘Enveloped Ideas,’ of all songs! I mean the [child’s] dad must have been a baby himself when the song came out,” ayon pa kay Jett.
Apat na dekada na sa mundo ng musika si Jett. Ang tanging maipapayo niya sa mga bagong henerasyon ng mga OPM artists ay mag-enjoy lamang sa kanilang ginagawa.
“Just enjoy it. If you succeed, great. If you don’t, at least you enjoy it, and no one can take that away from you.”
Panoorin ang buong panayam kay Jett sa October 2 episode ng “Sessions With Brian Yamsuan”.
Mapapanood ang programa tuwing Biyernes, 10:30 ng gabi, sa Free TV Channel 31, Cignal Channel 24, Converge Channel 74, Skycable Channel 33, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Cignal Play, at mapapakinggan sa 94.7 FM—Ang Best Friend Mo.


